Lalaki nawawala matapos tangayin ng alon sa Zambales

Samantha-Wee Lipana

Posted at Jun 27 2018 08:19 PM | Updated as of Jun 20 2019 12:21 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Isang lalaki ang nawawala matapos tangayin ng alon sa San Felipe, Zambales noong June 17.

Huling namataan si Rannie Mamaril na naliligo sa dagat kasama ang dalawang katrabaho ng kapatid nito sa kabila ng masamang panahon.

Sinubukan pang sagipin si Mamaril ngunit tuluyan na itong inanod nang balikan ng mga kasama.

“Naghanap [ang mga katrabaho ko] ng salbabida kasi sabi ng [officer] ko, ‘hanap kayong salbabida, subukan nating isalba,’ kaso nagpunta sila sa may bahay, wala silang nakita kundi tali lang tapos pagbalik, talagang 'di na namin siya nakita,” sabi ni Richard, kapatid ni Mamaril, sa panayam sa DZMM.

Kasalukuyan pa ring hinahanap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang biktima.

“Nakipag-coordinate [na] kami sa ibang rescue unit sa San Felipe at Olongapo rescue para galugarin 'yung mga shoreline,” sabi ni Paolo Abejuela, PGC Subic Station commander.

Kung may impormasyon tungkol sa lokasyon ng biktima, itawag o i-text sa 0948-379-0505 o sa Philippine Coast Guard sa numerong 0917-803-7069.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.