Habal-habal driver na nahulihan ng 'damo' sa Davao

Melanie Severino, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2018 10:07 AM

Pinabulaanan ng habal-habal driver na sa kaniya ang 26 pakete ng marijuana na nakuha ng awtoridad mula sa U-box ng kaniyang motorsiklo.

DAVAO CITY - Umabot sa 26 pakete ng hinihinalang marijuana ang nasamsam mula sa isang habal-habal driver, Miyerkoles ng madaling araw sa lungsod na ito.

Ayon sa awtoridad, nakuha rin mula sa suspek ang perang nagkakahalagang P937 nang maharang siya sa checkpoint ng Task Force Davao sa Bolton Bridge, Quimpo Boulevard.

Natagpuan sa loob ng motorsiklo ang mga pakete ng marijuana na nakabalot sa bimpo.

Ayon sa Task Force Davao, hindi umano huminto ang suspek nang sitahin nila ito dahil walang suot na helmet ang sakay niyang pasahero.

Nagkahabulan pa hanggang sa ma-corner ng pulis ang suspek sa Km 5 Matina Pangi.

Hinala ng mga pulis na nagbebenta ng marijuana ang suspek sa mga estudyante dahil sa mga nakitang tingi-tinging marijuana na nagkakahalagang P100 kada supot.

Itinanggi naman ng suspek na kaniya ang mga kontrabando. Itinuro niya ang kaibigan na nanghiram umano sa kaniya ng motorsiklo na siyang nagmamay-ari ng mga nakumpiskang marijuana at pera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.