Anak ng negosyante dinukot sa Tawi-tawi

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2018 01:10 PM

ZAMBOANGA CITY – Dinukot ng 7 hindi pa nakikilalang lalaki ang pitong taong gulang na anak ng isang negosyante sa Himbah, Tandubas, Tawi-Tawi nitong Martes.

Ayon kay Lieutenant Ephraim Jayson Deciano ng Philippine Coast Guard Tawi-Tawi, nagpanggap umanong bibili ng gas para sa kanilang pump boat ang mga suspek mula sa tindahan ng ama ng bata.

Makalipas ang ilang minuto ay kinuha ng grupo ang bata at dinala sa kanilang pump boat.

Tinangka pang pigilan ng negosyante ang mga suspek na nauwi sa palitan ng putok ng baril. Tinamaan naman ang asawa ng negosyante sa kaliwang hita at agad na dinala sa pagamutan sa Sapa-sapa.

Agad namang rumesponde ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard maging ng tropa mula sa Marine Battalion Landing Team 6 pero wala na sa lugar ang mga suspek.

Ang tindahan ng negosyante ay malapit lamang sa baybaying dagat kaya’t naging madali para sa mga suspek na idaong ang kanilang bangka malapit sa establisyimento.

Sabi ni Deciano, wala pang natatanggap na tawag mula sa mga suspek ang pamilya ng biktima.

Wala pang inilalabas na pahayag ang Western Mindanao Command hinggil sa pagdukot habang sinisilip din ang anggulong away sa pamilya at personal grudge bilang mga posibleng motibo sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.