Tagapuslit ng bala at mga sugatang Maute, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 07:21 PM | Updated as of Jun 28 2017 12:31 AM

Nasabat umano ng mga sundalo ang isang miyembro ng grupong Maute na nagbibiyahe ng mga bala at naglalabas ng mga sugatan mula sa battle area upang makatakas sa bakbakan sa Marawi City.

Walang binanggit na detalye o pagkakakilalan ng sinasabing naaresto na miyembro ng Maute. 

“Facilitating the entry of ammunitions, at ito rin 'yung tao na nagdadala ng mga wounded galing sa main battle area papunta doon sa south ng Lanao lake,” ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi. 

Nang tanungin kung ang mga bangkang nakuha noong Linggo sa pampang ng Marantao ang tinutukoy na ginamit ng naarestong Maute, iba pa umano iyon, ayon sa militar.

Dagdag pa ng militar, maraming bangka ang bumibiyahe ngunit hindi nila ito masita agad.

“May mga taong nagko-conduct ng kanilang mga pansariling travel,” ani Herrera.

Samantala, walang puknat na pagsabog at pagbagsak ng mga bomba ang bumungad sa umaga ng Martes sa Marawi City.

Dahil dito, durog na ang maraming bahay, katulad sa Barangay Lilod na nakunan ng larawan ng police sources.

Sa Mandaluyong City naman, may 159 na bala ng .9mm at ilang bahagi ng baril ang natagpuan sa isang bag ng relief goods na ipapadala sana sa mga ‘bakwit’ mula Marawi City Lunes ng umaga.

Inaayos umano ni Mohaimen Mutalib sa kanyang condominium unit ang mga donasyong nakalap niya para sa Marawi nang madiskubre niya ang mga bala at bahagi ng baril na nakabalot sa isang ecobag sa loob ng isang kahon.

-- Ulat nina Jorge Cariño, April Rafales, at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.