Sapul sa CCTV: Salpukan ng truck at tricycle, pagnanakaw ng bike

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 08:43 PM | Updated as of Jun 28 2017 12:28 AM

Nakuhanan sa CCTV ang magkahiwalay na insidente ng salpukang tricycle at delivery van, at ang pagnanakaw ng isang bisikleta sa Imus, Cavite. 

Sa Daang Hari, Barangay Pasong Buaya Dos, isang tricycle ang sumalpok sa likod ng delivery van. Nawalan umano ng kontrol ang tricycle dahil sa bilis ng takbo.

Tumilapon ang dalawang sakay ng tricycle at bumangga rin sa isa pang kotse bago nakahinto. Napuruhan ang driver ng tricycle na si Francisco Andrade Jr. at angkas niyang si Jorge Carpio.

Ayon sa barangay, parehong lasing sina Andrade at Carpio nang maaksidente.

Nagkasundo na ang driver ng delivery van na si Efren del Rosario at ang mga sugatan na huwag nang magsampa ng kaso. 

Akyat-bahay, tumangay ng bisikleta

Pumalo na sa mahigit 100,000 views ang video na in-upload ng netizen na si Michelle Duran na huli sa akto ang pagnanakaw ng bisikleta sa kanilang bahay sa Imus, Cavite.

Kita sa CCTV ang isang lalaking umakyat sa gate ng bahay at tumingin-tingin pa sa paligid na tila pumipili kung ano ang nanakawin, hanggang sa kunin niya ang bisikleta.

Hinala ng may-ari, kabilang ang suspek sa mga binatilyong nag-solicit sa kanilang bahay dalawang araw bago ang insidente.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang kawatan. 

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.