Mga suspek sa massacre sa Bulacan, maaaring kilala ng mga biktima

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 05:06 PM | Updated as of Jul 04 2017 06:15 PM

Hinihinalang kilala ng pamilyang pinaslang sa San Jose del Monte, Bulacan, ang mga suspek na pumatay sa isang lola, isang ina, at tatlong bata sa loob ng kanilang bahay, Martes.

Hinala ni Dexter Carlos Sr., padre de pamilya ng nasawing mag-anak, ang mga lalaking nakiki-igib ng tubig sa kanilang bahay ang pumatay sa kanyang pamilya.

Nahanap ni Carlos, isang security guard, sa loob ng kuwarto sa itaas na palapag ng bahay ang mga anak niyang edad 1, 7 at 11. 

Sa likurang bahagi naman ng bahay nakita ang misis niyang si Estrella Dizon, 35, habang sa sala nadiskubre ang ina nitong si Auring Dizon. 

"Dalawang taon na kaming nakatira dito pero wala naman kaming napapansin na kakaiba maliban na lang sa mga nag-iigib (ng tubig) sa amin," saad ni Carlos.

"Minsan dumadami silang mga lalaki na nag-iigib. Minsan nagduda na rin ako, sabi ko 'wag na silang papasukin, yung hose ilagay na lang sa labas," dagdag niya.

Ayon sa mga imbestigador, sapilitang pumasok ang mga suspek sa likod bahay upang gahasain ang misis ni Carlos na si Estrella, at ina nitong si Auring.

Walang saplot ng matagpuan ang bangkay ng mag-ina.

"Malamang kilala ng mga anak ko yung bumanat kasi pati sila pinatay," kuwento ni Carlos.

Hinala ng padre de pamilya, mga adik ang pumaslang sa kanyang pamilya.

"'Yung bulag nga na biyenan ko, ni-rape pa e. Buti hindi naisipan na i-rape 'yung anak kong babae," sabi ni Carlos.

"Adik kasi pati mga bata dinamay nila... One year old lang yung bunso, walang kamalay-malay, hindi naman siguro niya nakita yun," dagdag niya.

Ayon kay Carlos, bukod sa dalawang kutsilyong nawawala mula sa kanilang kusina, hindi niya pa napapansin kung may ibang gamit sila sa bahay na tinangay ng mga suspek.

"Sa ngayon hindi ko pa napansin kasi hindi pa normal yung pag-iisip ko. Hindi ko pa naiisip kung anong dapat kong gawin kasi ngayon, wala na e. Walang silbi na 'yung buhay ko. 'Yung pinakamamahal kong pamilya biglang nawala lahat," sabi ni Carlos.

Bagamat detalyadong nagkuwento sa media, balisa pa rin ang security guard na hinimok ang mga suspek na sumuko na lamang sa mga awtoridad.

"Kung sino man ang gumawa sana makonsensya naman siya. Sana hindi na lang niya dinamay ang mga bata, kahit yung bunso na lang ang itinira niya sa akin," saad niya.

Editor's Note: Ang ama ng mag-anak na naging biktima ng krimen ay si Dexter Carlos Sr. 
Ang pangalan na unang lumabas sa ulat na ito ay Dexter Carlos Jr., na pangalan ng nasawing anak ni G. Carlos. Humihingi tayo ng paumanhin para sa pagkakamaling ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.