Mga 'dating pasaway' na pulis pinadala sa Cagayan de Oro

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 04:53 PM

SAN FERNANDO CITY, Pampanga - Tumulak papuntang Cagayan de Oro ang isang batalyon ng mga "dating pasaway" na pulis ng Police Regional Office 3 para tulungan ang puwersa ng pamahalaan na lumalaban sa Maute group.

Ayon kay Police Chief Superintendent Aaron Aquino, nakatanggap siya ng impormasyon na nangangailangan ng dagdag puwersa ang mga pulis sa Cagayan de Oro nito lamang nakaraang linggo. 

"Late last week lang ako nasabihan na they are in need of personnel to be augmented in Region 10, sa Cagayan de Oro, kasi na-deplete na ang mga personnel doon...most probably because they were also deployed in some parts of Marawi and nearby provinces," aniya. 

Karamihan sa mga pulis na ipapadala ay nahaharap sa iba't ibang kasalanan kasama ang tardiness, hindi katanggap-tanggap na ugali o pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad, ayon kay Aquino. 

Pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ang pangunahing tungkulin ng Region 3 contingent sa Cagayan de Oro na ilang oras lang rin ang layo mula sa Marawi, dagdag pa ng pulis.

Bagama't dating mga pasaway na pulis, ginarantiya ni Aquino na "best" at "skilled personnel" ang mga ipinadala na sumailalim sa tactical at combat training.

Mga bagong graduate rin aniya ang mga ito ng character and aptitude training nitong buwan.

"Hindi sila familiar particular sa place doon. They will be confined sa Cagayan de Oro at kung meron man sigurong deployment ay parts of Bukidnon, Misamis Oriental," paliwanag ni Aquino.

"May 2 hindi sumipot, ayaw daw nila talaga ma-assign sa Mindanao. [We] will file appropriate charges against these people," dagdag pa niya. 

Deretso ang mga pulis Region 3 sa Villamor Air Base kung saan sila sasakay ng C-150 papuntang Cagayan de Oro.

Samantala, kinumpirma din ni Aquino ang naganap na pangha-harass ng mga miyembro ng New People’s Army sa mga pulis ng Botolan Municipal Police Station sa Zambales kahapon.

"It’s good that our personnel there were able to resist the attack and harassment," sabi pa ni Aquino. Wala namang namatay o nasaktan sa hanay ng mga pulis.

Ipapadala naman ang natitira pang higit 60 na dating mga pasaway na pulis bilang-dagdag puwersa sa Zambales.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.