Biktima ng stroke, lumala ang lagay matapos ikulong dahil sa droga

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 05:10 PM | Updated as of Jun 27 2017 06:01 PM

Lumala ang kondisyon ng isang lalaking isang taon nang may stroke matapos siyang damputin ng mga pulis at ikulong sa Malolos City Jail dahil sa pagkakasangkot umano sa iligal na droga.

May isang taon na nakaratay sa bahay si Marlon Evangelista dahil sa stroke nang arestuhin siya ng mga pulis dahil sa umano'y pag gamit niya ng ipinagbabawal na gamot, kuwento ng nanay niyang si Sabelita Evangelista sa isang panayam sa DZMM.

"May stroke siya nung kinuha siya sa bahay ng mga pulis. Ngayon, mas lumala yung kondisyon niya. Parang nastroke ulit siya habang nasa loob ng bilangguan," kuwento ng ina ng biktima.

Ayon sa ina, dati ay naiaangat pa ni Marlon ang kanang kamay, ngunit ngayon ay dalawang kamay na niya ang hindi na gumagana.

Dagdag ng ina, sinabi ng doktor sa loob ng bilangguan na pati ang mata ni Marlon ay naapektuhan na at hindi na siya nakakakita. 

"Mayroon akong inuupahan na kapwa bilanggo niya para alagaan siya. Hindi na siya nakakausap. 'Yung labi niya itinataas na lang para mapasukan ng pagkain," saad ni Sabelita.

Bukod sa stroke, tinubuan na rin ng mga pigsa si Marlon sa loob ng kulungan.

Ayon kay John Kevin Tagalog, Jail Officer 1 ng Malolos City Jail, noong isang linggo pa inaasikaso ng mga opisyal ang dokumento upang mailipat si Evangelista sa Bulacan Provincial Jail kung saan may sapat na pasilidad upang matugunan ang kondisyon ng bilanggong may stroke.

"Gustuhin man po namin na tugunan 'yung concerns ni Marlon, may kakulangan po kami sa personnel sa ngayon pero nakikipag-ugnayan po kami sa prosecutor's office sa Malolos, Bulacan para ma-transfer siya sa provincial jail na may mga pasilidad. Mas malapit din yun sa Bulacan Medical Center," pahayag ni Tagalog sa DZMM.

"Sa ngayon, may binibigay po kaming mga gamot, mga antibiotics pero yung huling diagnosis sa kanya, kailangan ma-confine," dagdag niya.

Ayon kay Tagalog, naantala ang paglipat ni Evangelista sa mas malaking kulungan dahil nagbakasyon ang abogado nito na dapat na susulat sa korte upang hilingin ang paglipat ng ng pasyente sa isang pasilidad na kayang tugunan ang mga sakit niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.