Bata, 9, natagpuang patay matapos malunod sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 04:50 AM

Natagpuang patay ang isang 9 na taong gulang na bata habang hinahanap pa ang isang kasama nito matapos malunod sa isang sapa sa Tandang Sora, Quezon City nitong Martes.

Nakilala ang mga biktima na si Adrian Celestino, 9, at Gerald Montallana, 14.

Ayon sa ama ni Gerald na si Jaime Montallana, naligo lamang ang limang batang magkakaibigan sa isang sapa malapit sa kanilang bahay sa Pasong Tamo, Tandang Sora nang nagsimulang umulan. 

Makalipas ang ilang oras, bumalik ang isa sa mga kalaro nito at sinabing inanod na si Gerald sa pagtangkang pagligtas sa kanyang mga kaibigan.

Natagpuan ang bangkay ni Adrian sa isang ilog sa Muñoz, Quezon City 4 p.m. matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig. 

Ayon kay PO1 Edwin Marquez ng Philippine Coast Guard, mula Pasong Tamo inanod ang bangkay ng bata papunta sa ilog sa Muñoz.

Dagdag niya, ipagpapatuloy nila ang paghahanap sa nawawalang katawan ni Gerald Miyerkules ng umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.