PatrolPH

Mga pasahero ng MRT hiling na mapanatili ang 'Libreng Sakay'

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2022 05:18 PM | Updated as of Jun 26 2022 06:47 PM

 Sinasamantala ng mga pasahero ang libreng sakay ng MRT. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Sinasamantala ng mga pasahero ang libreng sakay ng MRT. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Halos araw-araw sumasakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) si Mamai Tajir na taga-Novaliches, Quezon City. 

Sa North Avenue siya sasakay at bababa sa Taft para sa kaniyang trabaho bilang waiter sa isang restoran sa Pasay. 

Sa gabi, nag-aaral siya ng kursong Criminology sa isang unibersidad sa Quezon City. 

Watch more News on iWantTFC

Aabot sa P56 ang naititipid niya sa balikang biyahe dahil sa "Libreng Sakay" ng MRT 

"Naiipon ko po yung pera kahit naliit na bagay. Naipon ko then pambayad ko sa tuition po," ani Tajir . 

Ang natitipid naman ni Maria Vijanes sa libreng sakay, dumidiretso sa umiikot niyang puhunan bilang skincare at cosmetic dealer. 

"Napakalaking tulong po sa ordinaryong mamamayan, pabangon pa lang tayo sa krisis, hindi namin alam saan kukuha pansimula kaya laking tulong sa amin yang libreng sakay sa buses at MRT," ani Vijanes. 

Barya man para sa iba, katumbas naman ng pagkain sa pamilya ang natipid ng pamasahe ng ilan sa libreng sakay ng MRT. 

Marso 28 nang umarangkada ang programa, kung saan umakyat na sa 380,000 ang sumasakay mula sa 250,000 passengers. 

Sa pahayag ng MRT, magpapatuloy ang kanilang pag-upgrade sa mga bagon para sa komportable at iwas-abalang biyahe. 

"Sa kabuuan, 15 na lamang sa 72 bagon ng MRT-3 ang nakatakdang isalang sa overhauling, kung saan kinukumpuni at pinapalitan ng bago ang mga depektibong piyesa upang maibalik sa maayos na kondisyon ang mga bagon," anang MRT. 

Humihirit ang maraming pasahero na ituloy ang Libreng Sakay. Pero ayon sa pamunuan ng MRT, hanggang katapusan na lang ito ng Hunyo. 

Nasa P450 milyon na ang nawalang kita nila nang simulan ang programa, ayon sa MRT. 

Nawalan din umano ng kita sa programa ang mga tsuper ng jeep, na nasabay pa ng taas ng presyo ng petrolyo kaya halos wala na silang kikitain. 

Kinansela na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang libreng sakay project sa mga bus at ibang jeep sa 146 na ruta sa buong bansa. Hanggang Hulyo 30 naman umano ang libreng sakay sa EDSA bus carousel. 

-- Ulat ni Reniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.