PatrolPH

4 mangingisda patay, 1 nawawala sa pagtaob ng barko sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2022 04:56 PM

Courtesy: Joshua Añonuevo
Courtesy: Joshua Añonuevo

Apat na mangingisda ang patay, habang isa ang nawawala sa pagtaob ng isang malaking bangka sa Bataan, ito ang kinumpirma ng mga awtoridad ngayong Linggo, Hunyo 26. 

“Nag-verify ako mayroon pa pala isang istasyon natin kung saan doon nakareceive ng report. 'Yun po yung nandun sa parteng Mariveles, 'yun nga 49 na katao, 4 yung namatay pagkatapos meron pang 1 missing," ani Police Lt. Mariel Quizon ng Regional Maritime Unit 3. 

Ayon sa isa sa mga mangingisda na tumulong sa pagsagip, June 22 nang maglayag sa dagat ang mga kapwa grupo ng mga mangingisda mula Nasugbu, Batangas.

Pero sa kasagsagan ng malakas na ulan at hangin kinagabihan habang nasa Bataan na sila, tumaob umano ang kanilang bangka bandang madaling araw ng June 23. 

Nagpalutang-lutang ang ibang mangingisda hanggang sa makita sila ng iba pang mangingisda na sumagip sa kanila.

“Sila po ay nakita naming humihingi ng tulong bandang alas otso ng umaga, June 23, agad namin nilapitan sila kasama ang kapwa namin mangingisda na Mariveles, Bataan, sila po ay sinakay namin para ihatid sa kanilang bayan sa Nasugbu, Batangas. Apat po ang patay na naiuwi namin at 1 naman po ang hinahanap pa hanggang ngayon," ani Joshua Añonuevo, isa sa mga nagrescue

Humihingi naman ng tulong ang kapatid ng isa sa mga nawawalang mangingisda na si Gemma Dacillo. 

“Ako po ay humihingi sa inyo ng tulong kahit papaano makita niyo lang po yung bangkay nung kuya namin ay malaking tulong na rin po. Ang palatandaan po namin doon ay long sleeves na itim tapos ang shorts ay kulay dilaw po," ani Dacillo. 

Paalala naman ng PNP maritime unit sa mga mangingisda, iwasan ang paglalayag kapag masama ang lagay ng panahon.

“Lalong-lalo na kapag masama ang panahon, alam naman ng mga mangingisda natin kung anong kapabilidad ng kanilang mga bangka, e wag na po silang maglayag nang upang sa ganon ay maiwasan po ang anumang trahedya," ani Quizon. 

-- Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.