Tomato jam, soap binuo para matugunan ang oversupply ng kamatis sa Ifugao

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 07:04 PM

MAYNILA - Isang unibersidad sa Ifugao ang nakaisip ng paraan para mapakinabangan ang oversupply ng kamatis sa probinsiya. 

Bumuo ng tomato jam at tomato anti-bacterial soap ang Ifugao State University kasama ang miyembro ng komunidad na ang institusyon mismo ang nag-train. 

Noong una ay ipinamimigay lamang ito sa mga taga-Ifugao. Pero kalauna’y naisip ng unibersidad na ibenta rin ang mga ito. 

"Noong nakita namin na pwede namang maiprocess kasi kahit na nabigyan yung mga members of the community, eh sobra-sobra pa rin kaya nagkaroon ng idea na iprocess na lang yung tomato,” ayon kay Ifugao State University President Eva Marie Dugyon. 

Napupunta sa mga magsasaka ang mga nakukuhang kita sa pagbuo ng jam. 

“Bibilhin na namin yung mga tomatoes and at the same time, yung pagbentahan namin ng mga jams eh ibibigay namin sa mga farmers,” ani Dugyon. 

Sa mga bayan ng Tinoc at Asipulo kung saan halos lahat ng residente ay nagtatanim ng kamatis, hindi na ito na-ani ng mga residente dahil sa sobrang supply at walang mapagbentahan. 


Aabot na lang sa P4 hanggang P8 kada kilo mula sa karaniwang P20 hanggang P30 kada kilo ang presyo dahil sa oversupply at inaasahang mararamdaman pa ito hanggang Setyembre. 

“Talagang nasisira sa garden kasi kahit ibibigay namin, wala namang kukuha dito kasi lahat naman ng nagtanim dito eh halos kamatis kaya sabi namin yung ibang hardinero 'pag may minsan bibigyan namin pero wala eh kasi dito sa barangay namin halos kamatis ang tanim nila,” ani Florencio Nangimlo, isa sa mga tomato growers sa Ifugao. 

Para sa magsasaka, senyales ang hakbang ng unibersidad na hindi masayang ang kanilang pinagpaguran at mga tanim. 

“Noong pumunta ako doon binigay ko nang libre, para sabi nila bigay mo sa kabarangay mo para matikman nila. Pag nagustuhan nila, gagawa pa tayo ng marami,” ani Nangimlo. 

Gayunman, hindi kayang iproseso ng unibersidad ang lahat ng nasa 100,000 kilo ng kamatis na naha-harvest kada araw. 

Sabi ng Department of Agriculture, sinasali na rin nila sa e-kadiwa ang mga kamatis at inilalakad na rin sa mga nagtanim na direktang bibili ang nasa 700 restoran. 

“Sila ngayon yung bagong buyer natin. They are willing to buy from our partners na single commodity farmers, kunwari nagtatanim ng tomatoes. Yung kamatis na itinanim nila ang kailangan natin is to drive people to go to their farm if they do not have the capability to go to trading posts para mabenta yung kanilang commodities,” ani Agriculture Asec. Kristine Evangelista. 

Kailangan lang aniya maisaayos kung paano o aling transportasyon ang maghahakot sa mga kamatis. 

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.