Tanggapan ng DENR sa QC naka-lockdown matapos magpositibo ang 2 kawani sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 12:24 AM

MAYNILA - Isinailalim sa lockdown ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Ave., Quezon City, Huwebes matapos magpositibo sa COVID-19 ang 2 kawani nito.

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, taga-Environmental Management Bureau (EMB) ang 2 nagpositibo sa sakit. Magkakaroon ng sanitation at disinfection sa 4 na gusali ng DENR.

Nagsasagawa na ng contact tracing upang malaman ang mga nakasalamuha ng mga empleyado.

Samantala, natiketan naman dahil sa paglabag sa bus lane sa EDSA ang isang opisyal ng DENR Huwebes ng hapon.

Ayon kay Antiporda, nagmamadali si Undersecretary Ernesto Adobo Jr. dahil siya ang naatasang mag-lockdown sa tanggapan ng DENR bilang undersecretary for administration and finance, gayong nasa Cebu City si Environment Secretary Roy Cimatu upang tingnan ang sitwasyon doon. - Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News