Rumespondeng kagawad patay matapos masaksak

Jasper Magoncia, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 01:58 PM

Inundayan ng saksak ang kagawad na rumesponde lamang sa reklamo habang nabaril naman niya ang suspek na kritikal ngayon ang kalagayan. Larawan mula sa Toril Police

DAVAO CITY - Patay ang isang Barangay Kagawad sa Binugao, Toril sa lungsod na ito matapos masaksak habang rumesponde sa pasaway na mga residente. 

Sa ospital na namatay si Danilo Ampong Calinawan Sr., 64-anyos, matapos na magtamo ng dalawang tama ng saksak sa tiyan. 

"Pumunta si kagawad sa lugar kasi may report na maingay ang lugar. Sinabihan niya yung grupo pero kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang kagawad pero nakabunot pa ito sa kaniyang armas kaya nabaril din niya ang suspek," pahayag ni Maj. Jason Baria, hepe ng Toril Police. 

Kritikal naman ang suspek na si Rolando Abellana Herman, 37, nang nagtamo ng multiple gunshot wounds matapos mabaril ni Calinawan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.