‘Mas maraming aksidente asahan sa balik-kalsada ng iba pang sasakyan sa EDSA’

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 08:39 PM | Updated as of Jun 27 2020 02:12 AM

MAYNILA - Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority sa posibleng pagdami ng aksidente sa EDSA, oras na magsibalikan ang mga sasakyan at commuter sa susunod na linggo. 

Sa harap ito ng plano ng MMDA na implementasyon ng bagong loading at unloading bays at sa kalituhan umano ng mga motorista na pumupunta sa mga maling lane. 

Ayon sa MMDA inaasahan nilang may mga malilitong commuter sa bagong sistema, gaya ng mga pasaherong bababa sa mga bagong loading at unloading bay at mga motoristang papasok sa mga bus lane. 

Ayon kay MMDA EDSA traffic chief Bong Nebrija, tuloy ang pagpapakalat ng 550 buses sa EDSA simula lunes. 

Handa man anila silang ipatupad ang modified bus lanes, sinabi ni Nebrija na 8 pa lang ang nakahandang unloading bays sa kahabaan ng EDSA. 

“Dapat maghanda na mga commuters kasi 'yung dating isang sakay nila, magiging tatlo na yan. 'Yung papunta sa EDSA, papunta sa bus loading, unloading at doon sa final destination,” ani Nebrija. 

Sa ngayon, ang mga unloading bay ay makikita sa may MRT station sa Guadalupe, Ortigas, Santolan, Quezon Avenue, at North Avenue. 

Dalawa naman ang nakadikit sa LRT 1 Station sa Congressional Avenue at Balintawak. 

Isang footbridge naman sa Main Avenue sa Cubao ang loading at unloading zone na rin. 

Paalala ni Nebrija, huwag nang magpumilit na gamitin ng mga pribadong sasakyan ang mga naturang lane. 

“Sa bus lang yan, ang mga private [vehicles] mayroong ilang lanes na dedicated sa inyo. Kailangan natin talaga 'yan para hindi maabala ang takbo ng mga bus,” ani Nebrija. 

Aabot sa 80 ng mahigit 1,000 concrete barriers ng MMDA ang nasira dahil sa mga aksidente. 

Ayon kay Nebrija, kailangan pa rin ng matinding information drive tungkol sa mga concrete barriers - na layong ihiwalay ang mga lane ng mga sasakyan na babaybay ng EDSA. 

May plano naman ang MMDA sa mga maii-stranded at maglalakad papunta at pauwi ng destinasyon, ayon kay Nebrija. 

May nakaabang na rin silang mga shuttle service para sa mga hindi makakasakay o hindi alam kung saan sasakay o bababa. 

Nagpaalala rin ang MMDA na mag-antabay ng anunsiyo kung itutuloy ulit ang number coding sa susunod na linggo. 

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.