PatrolPH

Lolong nagtangkang lumakad papuntang probinsiya nakauwi na sa Samar

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 03:47 PM | Updated as of Jun 26 2020 09:34 PM


MAYNILA (UPDATE) — Matapos ang halos isang buwan, nakauwi na rin sa Samar si Alberto Domingo, ang lolong nag-viral noong Mayo matapos maglakad nang ilang araw mula Cavite papuntang Las Piñas. 

Maaalalang kinupkop ng Barangay Daniel Fajardo sa Las Piñas si Domingo, 66, noong Mayo nang mapadpad siya noon sa gitna ng paglalakad mula Rosario, Cavite. 

Tanging hiling niya noon ay makauwi sa probinsya sa Daram, Samar. 

Matapos itampok sa TV Patrol, maraming nagpaabot sa kaniya ng tulong. Isa na rito ang aplikasyon sa "Hatid Tulong" initiative ng gobyerno para sa mga locally-stranded individual.

"Maraming salamat ABS-CBN, salamat Barangay Daniel Fajardo, hindi naman ako pinabayaan dito," ani Domingo. 

"Sana di mo kami makalimutan, maging maayos sana biyahe mo, buhay mo roon," pamamaalam ni Archie Casimiro, staff ng barangay.

Kamakailan ay sinundo siya sa barangay hall ng mga taga-Coast Guard para dalhin sa pier sa Maynila. 

Sumailalim muna siya at ang halos 40 pasahero sa rapid test at nang mag-negative ay saka lang sila pinasakay ng barko.

Sa Catbalogan, Samar noong Huwebes ay sinundo si Domingo ng mga taga Daram LGU para ihatid sa kaniyang pamilya.

Sa huling tala, higit 57,000 na mga stranded sa iba-ibang bahagi ng Pilipinas noong lockdown ang pinauwi ng Hatid Tulong program. 

Ayon kay assistant secretary Joseph Encabo ng Presidential Management Staff, pinuno ng programa, 5:30 ng hapon Biyernes ay aabot na sa 57,338 ang kanilang inihatid pauwi. 

Ang 1,524 ay estudyante, 45,914 ay OFWs, 1,849 ay manggagawa, at 8,051 ay turista. 

Pinahinto naman muna ang pag-uwi ng nasa 4,000 tao papuntang Cebu dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 doon. 

Kahit nakatigil sa ngayon ang Balik Probinsya program, tiniyak naman ng Hatid Tulong na tuloy ang trabaho nila hangga't may stranded pa rin dahil sa krisis.

—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.