Jeepney group sa gobyerno: 'Makakalabas pa ba kami o hindi?'

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 07:55 AM | Updated as of Jun 26 2020 09:34 AM

Watch more in iWantTFC

MANILA — Kinuwestyon ng isang grupo ng jeepney drivers ang gobyerno, Biyernes, kung papayagan pa silang makabalik sa kanilang hanapbuhay kasunod ng magkataliwas na pahayag ng mga awtoridad ukol dito.

Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga kongresista nitong Miyerkoles na papayagan nang pumasada ang mga jeep at UV Express sa susunod na linggo, nasa isang buwan matapos magluwag ang coronavirus lockdown ng Metro Manila at iba pang urban center.

Pero nitong Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na "wala pong kasiguruhan" kung muli nang makakapaghanapbuhay ang mga jeep.

"Ang sinasabi natin, kung kulang pa po ang masasakyan matapos ang bus, ang modern jeepneys at ang mga UVs, ay papayagan po natin ang ilang mga jeepneys na deemed to be road-worthy," sabi niya sa mga reporter.

Para kay Efren De Luna, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), dapat sagutin ng transportation department: "Isang tanong, isang sagot na lang dapat... Makakalabas pa ba kami o hindi?"

"Paasa iyong mga sinasabi nila e," dagdag niya sa panayam ng TeleRadyo.

"Insulto" aniya sa mga mambabatas kung tatalikuran ng LTFRB ang pahayag nito sa Kongreso na maaari nang makabiyahe ang mga jeepney.

Hinimok din niya ang mga kongresista na imbestigahan ang pagsusulong ng LTFRB sa mga air-conditioned, fuel-efficient at imported na jeepneys na nagkakahalaga ng P2.5 milyon, kahit pa may lokal na modelong P1.3 milyon lang ang presyo.

Mananatili naman aniya sa P9 ang minimum na pasahe ng jeep kahit na kalahati na lang ng mga pasahero ang maisasakay nila kapag muling nakapasada, para masigurong hindi kakalat ang coronavirus.

"Alam naman po natin iyong mga manggagawa, talagang walang pera iyan. Ang kailangan po talaga nila, mga tradisyunal na jeep dahil ang pamasahe lang namin ay P9," ani De Luna.

"Ang mahalaga lang naman po sa amin, magkaroon na lamang kami kahit pambili ng bigas."

Watch more in iWantTFC

Kung magtatagal pa ang kanilang tigil-pasada, hindi na makakabayad ang mga transport group sa mga pribadong terminal, ani Zeny Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).

"Anong klaseng gobyerno ang mayroon tayo dito, na ang transportasyon na siyang bahagi ng ekonomiya ng bansa, siya pa ang pinaparusahan?" reklamo ni Maranan.

Nasa P80,000 kada buwan ang singil ng mga naturang terminal, dagdag ni De Luna.

"Baka ibaranda po namin ang mga sasakyan sa gitna ng kalsada at bahala na sila kung saan lupalop nila ilalagay ang aming mga sasakyan," sabi ni De Luna.

"'Pag nagpalimos naman kami, huhulihin. Wala naman kaming pagkakakitaan. Hindi na kami binibigyan ng pagkakataon na lumabas, pagkatapos magiging violation pa iyong pagpapalimos," dagdag niya.