Jeepney drivers nagbigay ng liham kay Duterte para payagang magbalik-pasada

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 02:55 PM

MAYNILA - Nagsumite ng liham sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang transport group para umapelang payagan na silang makabiyahe habang may lockdown pa sa Metro Manila. 

Personal na pumunta sa Malacañang ang Grupong 1 Pasada MTC para ibigay ang liham. 

Pero hindi na pinapasok sa bakuran ng Malacanang ang kanilang jeep. Sa halip, pinasakay sila ng mobile ng pulis at sinamahan papasok ng Malacañang. 

Sa isang pahinang liham ng grupo, sinabi nitong may paghahanda naman sila para makasunod sa mga tamang health protocol para sa kaligtasan ng mga tsuper at pasahero. 

Ayon sa grupo, sinubukan nila dating magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero sa Caloocan dahil sa kawalan ng masasakyan ng mga papasok sa trabaho pero hindi rin sila pinayagan. 

Nakapaghatid naman ang grupo sa mga pasaherong galing sa North Caloocan patungong Philcoa sa Quezon City. 

“Dahil po sa mayroon nang masasakyan na mga bus sa Commonwealth Avenue ay amin nang pinag-isipan na lumiham po sa inyo, sa kahilingan na rin ng mga manggagawang mananakay at mamamayan na sila po ay ating matugunan sa tamang sistema sa aming muling pagbiyahe, para sa ating mga seguridad,” anila sa liham. 

Kasama sa apela ng grupo na huwag sanang ibigay sa mga modernong jeepney ang kanilang ruta. 

Nais ng grupo na sa bibig mismo ni Duterte manggaling ang plano ng pamahalaan sa mga tradisyunal na jeep sa gitna ng pandemya. 

Tiniyak naman ng grupo na handa na ang kanilang jeepney para sundin ang physical distancing protocols na inilatag ng gobyerno. 

Ilang buwan nang suspendido ang operasyon ng mga lumang jeepney sa Metro Manila gawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. Tanging mga modern jeep at iba pang uri ng sasakyan gaya ng bus lang ang pinapayagang pumasada ngayong nasa general community quarantine ang Kamaynilaan. 

Dahil sa tigil-pasada napilitang mamalimos ang ilang mga tsuper at nanggalaiti ang ilang transport groups sa tingin nilang "panggigipit" ng gobyerno para maitaguyod ang plano umano nilang jeepney phaseout. 

— Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.