'Hari ng agimat', dating senador Ramon Revilla Sr. pumanaw na

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 09:25 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Pumanaw na nitong Biyernes ang isa sa mga haligi ng pelikulang Pilipino, action superstar, at dating Sen. Ramon Revilla Sr. sa edad na 93.

Sumakabilang buhay si Revilla sanhi ng respiratory failure dala ng pneumonia. 
    
Sa Facebook, ibinahagi ng kaniyang anak na si Sen. Bong Revilla, Jr. ang video ng mga naghihinagpis na miyembro ng angkang Bautista at Revilla sa kuwarto ng kaniyang ama.
    
Ayon kay Revilla, naka-pain reliever ang kanilang ama nitong mga huling araw. 
    
Konsolasyon din daw nila na panatag ito sa kaniyang pamamaalam kapiling ang kaniyang pamilya. 
    
Sa pelikula, nakilala at sumikat ang nakatatandang Revilla bilang "Nardong Putik," "Tiyagong Akyat" at "Pepeng Agimat," at iba pang di malilimutang karakter.

Sa totoong buhay, dalawang papel ang kanyang ginampanan: una bilang ama sa kaniyang 81 anak na tinaguyod niyang lahat. Ikalawa ay bilang senador na halal ng taumbayan.

Ayon sa anak ni Revilla na si Antipolo Mayor Andeng Ynares, pumanaw ang kaniyang ama 5:20 ng hapon sa kanilang tahanan sa Bacoor City, Cavite.

"He fought a good fight, lumaban siya hanggang sa huli," sabi nina Bong at Andeng sa ABS-CBN News.

Inaayos pa ang detalye ng burol ni revilla sa cavite.


—May ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.