CHR kinondena ang pag-aresto sa mga dumalo sa Pride March sa Mendiola

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 11:04 PM

 

MAYNILA - Nagpadala ang Commission on Human Rights ng quick response team upang imbestigahan ang pag-aresto sa nasa 20 nakilahok sa Pride March sa Mendiola nitong Biyernes.

Kinondena ng CHR ang pag-aresto sa mga nakilahok, na nanawagan na ibasura ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Bill.

"Ang kasaysayan ng Pride ay kasaysayan ng protesta. Hindi rin ito nahihiwalay sa iba pang mga isyung kinakaharap sa lipunan gaya ng paglaban sa mapanupil na Anti-Terrorism Act at ang kahirapan na dulot ng krisis," saad ng CHR.

Umapela ang CHR Gender Equality and Women's Human Rights Center na palayain na ang mga inaresto, sa ngalan ng malayang pamamahayag.

"Nananawagan ang CHR-GEWHRC na agarang pakawalan ang mga hinuli, na itaguyod ang karapatang magpahayag, at magdulog ng reklamo sa pamahalaan," anila.

Ayon sa CHR, kaakibat ng Pride ang mga isyung panlipunan, tulad ng pagtutol sa anti-terror law at kahirapan.

Samantala, maaaring bukas ma-inquest ang mga inaresto sa Mendiola, na naka-detene sa Manila Police District.

Ayon kay Police Lt. Col. Carlo Magno Manuel, public information chief ng MPD, sasampahan sila ng mga kasong illegal assembly, resistance and disobedience to a person in authority, at paglabag sa Republic Act 11332.

Sa Facebook page naman ng LGBT group na Bahaghari, nanawagan sila ng donasyon para sa mga pangangailangan at swab test ng mga hinuli na tinaguriang Pride20.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.