Cebu City mahigpit na binabantayan dahil sa pagtaas ng 'critical care utilization rate'

Annie Perez at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 09:10 PM

Watch more in iWantTFC


MAYNILA — Higit 1,000 na naman ang naitala ng Department of health (DOH) na dagdag na bilang ng mga may COVID-19 sa Pilipinas nitong Biyernes, dahilan para sumipa ang kabuuang kaso sa 34,073. 

Patuloy naman na nakapagtatala ng pagtaas ng kaso sa Cebu City at may iba pang nakikitang hotspots ang DOH. 

Ang Cebu City na itinuturing na hotspot ng COVID-19, konti na lang ay maabot na ang tinatawag na "critical care utilization rate."

Kapag umabot na nang 70 percent ang critical care utilization rate o paggamit sa mga pasilidad para sa COVID-19, maituturing na itong delikado. 

Ibig sabihin, marami na talaga ang may sakit at ginagamot sa mga ospital.

Ang critical care utilization rate ang isa sa mga binabantayan lalo’t ginagamit itong basehan sa mga desisyon kaugnay sa mga susunod na antas ng community quarantine. 

Sa paghihimay ng ABS-CBN Data Analytics sa datos ng DOH, nasa 50 percent o higit pa ang bilang ng mga gumagamit ng pasilidad para sa COVID-19 sa Region 7 (Central Visayas) at Cebu City.

Ang buong Region 7, okupado na ang kalahati o 50 percent ng mga intensive care unit (ICU) bed.

Lagpas 50 percent na rin ang nagagamit sa mga nakalaang ICU bed at mechanical ventilator sa buong Cebu at Cebu City.

Kung regular beds naman ang titingnan, sa buong Cebu, mahigit 800 na sa 1,264 kabuuang bilang nito o 67 percent ang okupado na. 

Sa Cebu City, sa 716 na regular beds, mahigit 500 o 77 percent ang kasalukuyang ginagamit. Lagpas na ito sa tinuturing na critical level.

Pinakamaraming bilang ng mga positibo ang naitala sa Region 7 partikular ang Cebu City.

Ayon sa DOH, marami-raming barangay din ang nakitaan ng kaso ng COVID-19.

"At the time of investigation, nakita nila na 61 of 80 barangays may bagong kaso in the past 14 days. Out of the 80 barangays, 49 had clustering. Pag sinabing clustering these are 2 or more cases in a specific area," ani DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire. 

Pinag-aaralan ngayon ang DOH ang posibleng dahilan ng biglaang pagtaas ng mga may COVID-19 doon.

CEBU CITY PATULOY NA NAGHIHIGPIT 

Watch more in iWantTFC

Sa patuloy na paghihigpit ng enhanced community quarantine (ECQ) sa lungsod, pinasok na ng mga sundalo at pulis ang maliliit na sitio sa mga barangay.

Nitong Biyernes ay dumating na ang mahigit 100 elite Special Action Force (SAF) na siyang tutulong sa mga pulis sa Cebu para ipatupad ang quarantine protocols.

"Because ang aming concept of ECQ is quarantine patrols, quarantine operations, containment zones, and we are backed up by Cebu, Bohol, Negros Oriental task force," ani Police Brig. Gen. Ignatius Ferro, direktor ng Police Regional Office 7.

Dagdag ni Ferro, itatalaga sila sa mga liblib na lugar ng lungsod kung saan maraming kaso sa COVID-19.

Umaabot na ngayon sa 4,607 ang mga kaso ng COVID-19 sa Cebu City at mahigit 2,000 nito ay active cases pa rin. 
    
Ipinakita na rin ni Cebu City Mayor Edgar Labella ang mga bagong quarantine pass na ipapamahagi sa Sabado.
    
Nasa mahigit 1,000 quarantine pass ang kanilang iimprenta na ibibigay house to house kasama ang mga pulis.
    
May QR code kung saan ang dulong numero nito ay basehan sa schedule kung kailan maaring lumabas.

Sabi niya, ang mga makakakuha lang din ng mga pass ay tiniyak nila na residente talaga at nasa maayos na kondisyon ang kalusugan base sa database ng DOH.
    
Nakapamigay na din ng bigas ang lungsod bilang ayuda sa lockdown.

Magmo-monitor naman ang Department of the Interior and Local Government na aaksyunan ng mga barangay chairman ng 12 barangay na kinilalang hotspot dahil sa pagtaas ng COVID-19 positive sa kanilang lugar.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.