Bello: Wala nang magiging stranded na OFW sa Metro Manila

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 10:47 PM

MAYNILA - Siniguro ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Biyernes na wala nang magiging stranded na overseas Filipino workers (OFWs), lalo na sa Metro Manila.

Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts sa pagtugon ng pamahalaan sa migration policy sa harap ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Bello na 5 araw bago dumating sa bansa ang isang OFW, inaabisuhan na ang concerned agencies.

Habang hinihintay ang resulta ng swab test, mananatili ang OFW sa pasilidad. 

Sinisikap ng concerned agencies na matapos ang 5 araw at kapag may resulta na, mapauwi na sa kaniyang destinasyon ang OFW. 

Nilinaw rin ni Bello na hindi tinatanggihan ng mga local government units (LGUs) ang stranded individuals. 

Aniya, koordinasyon lang ang hiling ng LGUs sa mga pupunta sa kani-kanilang nasasakupan, na ginagawa ng concerned agencies.

May ilang OFWs naman mula sa Middle East ang nagbahagi ng kanilang karanasan. 

Ang ilan sa kanila, kuntento sa tulong ng pamahalaan, ang ilan naman nanawagang palawigin pa ang mga programa ng pamahalaan upang mas marami pang matulungan, tulad ng DOLE-AKAP cash assistance.

Iaanunsiyo sa mga darating na araw ang petsa ng sunod na pagdinig ng Kamara ukol sa migration policy ng pamahalaan.