26 police trainees sa Central Luzon positibo sa COVID-19

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 02:35 PM

Sumailalim sa RT-PCR test ang 204 police trainees at personnel ng Philippine National Police Training Service Regional Special Training Unit 3 sa Magalang, Pampanga, kung saan 26 sa kanila ang nagpositibo sa virus. Larawan mula kay Gio Yumul

ANGELES CITY – Nagpositibo ang 26 police trainees sa Central Luzon sa isinagawang mandatory testing para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ang mandatory COVID-19 test ay alinsunod sa memo na ipinalabas noong Hunyo 11 na nag-uutos sa lahat ng police trainees at personnel ng Regional Special Training Unit 3 ng Philippine National Police Training Service sa Magalang, Pampanga na sumailim dito. 

Hunyo 22 nang isailalim sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test ang 204 trainees at personnel sa pangunguna ng Philippine Red Cross at Pamisaupan Kapampangan. 

Sa unofficial result ng swab test na natanggap ng pulisya noong Hunyo 24, lumalabas dito na 26 na police trainees ang nagpositibo sa COVID-19. 

Kasama dito ng 22 na naka-assign sa quarantine at control points sa Angeles City, at apat naman sa Mabalacat City. 

Pawang asymptomatic sila at dinala na sa isolation facility ng Angeles City para i-quarantine. 

Dahil dito, nagsasagawa na rin ng rapid test sa lahat ng police stations sa Angeles City at RT-PCR test naman sa lahat ng pulis sa Mabalacat City.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.