Pinagtrabahuhan ng binatang nilamon ng meat grinder ipinasasara ng DOLE

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 03:21 PM

Ipinatitigil ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Iloilo ang operasyon ng kompanyang pinagtrabahuhan ng binatilyong nilamon ng food mixer dahil sa umano’y kakulangan nito sa ilang requirements mula sa ahensiya.

Ayon sa DOLE, bukod sa walang permit mula sa kanila ang kompanya ay wala umano silang safety officer at bigo umano silang magsumite ng report ukol sa malagim na insidente.

Matatandaang namatay ang isang 18 anyos na trabahador ng kompanya nang maipit ang kamay at lamunin ng food mixer ang kalahati ng kaniyang katawan noong Sabado, Hunyo 22, sa Iloilo.

Nakasaad sa batas na dapat magbigay ng accident report ang kompanya 24 oras makalipas ang aksidente, pero hindi umano ito ginawa ng kompanya.

Wala din umanong mga safety signage ang pasilidad.

Ayon sa Occupational Safety and Health Standards Act, dapat may safety officer at mga signage ang mga kompanya sa kanilang mga pabrika.

Ayon sa may-ari ng kompanya, hindi umano niya alam ang ilang patakaran ng DOLE pero handa siyang isumite ang mga ito.

--Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.