PatrolPH

P7-M halaga ng umano'y smuggled na yosi nasabat sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 07:36 PM

Nasabat ng Philippine Navy ang humigit P7 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa karagatan malapit sa Santa Cruz island Zamboanga City Miyerkoles ng madaling araw.

Natagpuan ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao aabot sa 244 kahon ng smuggled na sigarilyo sa isang motorized na bangka. 

Ayon kay Segundo Sigmundfreud Barte Jr., district collector ng Bureau of Customs, galing sa bansang Indonesia ang mga sigarilyo at ipapasok sana sa Zamboanga city para ibenta.

Sa isang pribadong pier sana sa Barangay Baliwasan nakatakda umanong ibagsak ang mga smuggled sigarilyo.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng BOC upang matukoy ang kung sino ang may-ari ng mga kontrabando.

Ayon kay Barte, malaki ang nalulugi ng mga lehitimong kumpanya ng sigarilyo na nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno, dahil sa mga smuggled na sigarilyo.

Mas mura kasing naibebenta ang mga smuggled cigarettes, kumpara sa mga locally-produced na sigarilyo.

Inaasahang sisirain agad ng BOC ang mga nakumpiskang sigarilyo.

Mula Enero nitong 2019, humigit 2,500 na kahon na ng smuggled cigarettes ang nasabat ng BOC at ibang ahensiya sa Zamboanga peninsula at Basulta area, na umaabot na ng higit P70 milyon ang halaga.

-- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.