P120K halaga ng umano'y marijuana nasamsam sa QC buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 09:08 PM

Naaresto sa buy-bust operation gabi ng Miyerkoles sa Quezon City ang isang lalaki matapos umanong makuhanan ng P120,000 halaga ng hinihinalang marijuana.

Ikinasa ang operasyon alas-6:15 ng gabi sa tapat ng isang mall sa Barangay Santo Cristo, ayon sa ulat ng Quezon City Police District.

Dinampot ang 23 anyos na suspek matapos nitong bentahan umano ng droga ang nagpanggap na bibili sa halagang P15,000, ayon sa ulat.

Nakuha umano sa suspek ang isang bloke ng mga hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na may timbang na nasa isang kilo at nagkakahalaga ng P120,000. Narekober din ang buy-bust money.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. 

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.