Mahigit 200 pamilya sa South Cotabato, lumikas dahil sa rido

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 12:40 AM

LAKE SEBU, South Cotabato - Sa takot na maipit sa gulo, nagsilikas ang mahigit 200 pamilya sa dalawang sitio sa Barangay Ned sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato noong Sabado.

Ito ay dahil sa rido o away sa pagitan ng dalawang angkan sa katabing bayan nila sa Palimbang sa Sultan Kudarat. Lumawak ang gulo hanggang sa umabot na sa Barangay Ned.

Ayon sa hepe ng Lake Sebu Police Station na si Police Major Nathaniel Panaguiton, isang 19 anyos ang naiulat na namatay sa Barangay Molon, Palimbang, matapos masabugan ng landmine habang nakasakay sa kabayo. 

Kinilala nila ang biktima na si Richard Tongkay, residente ng Barangay Ned. Papunta umano ito sa kanilang sakahan nang masabugan.

Kasalukuyang nasa evacuation center ang mga apektadong pamilya at umaasa ng tulong sa gobyerno.

Ayon sa officer-in-charge ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nabigyan na ng family packs sa mga apektado. Hindi pa nila matiyak kung hanggang kailan magtatagal ang rido.

Noong Mayo pa sumiklab ang rido at ito na ang pangatlong insidente ng paglikas ng mga residente ng Barangay Ned.

Nakabantay na rin ang militar sa lugar para matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.