Lalaking umiwas sa checkpoint sa Cavite nakuhanan ng ilegal na baril

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 04:26 PM | Updated as of Jun 26 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isa sa mga most-wanted sa Batangas matapos tangkaing tumakas sa police checkpoint sa Barangay Poblacion II, Alfonso, Cavite. 

Kahit pinipigilan na ng mga pulis, tila ayaw pang huminto ng motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki na may angkas na babae.

Nahablot ng pulis ang lalaki at nang inspeksiyunin ay nakita sa kaniyang bag ang kalibre .38 na baril na walang lisensiya. 

"Medyo mabigat ang bag, at noong tingnan natin may nakausli na puluhan, baril pala," ani Police Maj. Rheden Manalo, hepe ng Alfonso Police Station.

Nang dalhin sa presinto, nakilala ang suspek na si Benigno Caringal, na natuklasang isa sa most-wanted pala sa Tuy, Batangas dahil sa mga kasong frustrated at attempted murder.

Depensa naman ni Caringal, "pang-self-defense" lang niya ang bitbit na baril.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang pagiging wanted at handa na umano siyang pagbayaran ang mga krimen.

"Bubunuin na lang po, kung ilan taon makukulong," aniya. 

Bukod sa mga naunang kaso, irereklamo rin si Caringal ng illegal possession of firearms. —Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.