'Habal-habal' driver, patay pagkatapos mabangga ng bus sa Dipolog City

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 01:46 AM

Nakahandusay ang motorsiklo ng isang senior citizen na habal-habal drayber na nasawi matapos mabangga sa national highway sa Barangay Sicayab, Dipolog City nitong Martes. Dynah Diestro, ABS-CBN News

DIPOLOG CITY - Nasawi ang isang 61-anyos na habal-habal drayber matapos mabangga ng bus ang minamanehong motorsiklo nito Martes ng umaga sa sa Barangay Sicayab, Dipolog City.

Ayon sa mga awtoridad, bumabaybay ang biktimang si Anacleto Puri Sr. at ang nasabing bus sa national highway sa Barangay Sicayab nang biglang lumiko ang biktima nang nakakita ito ng pasahero sa kabilang daan at dumaan sa harap ng bus.

Nagpreno pa umano ang drayber ng bus dahil biglang pagliko ng biktima pero dahil sa lapit na kanilang distansiya at sa bilis ng takbo nito, nasalpok pa rin ng bus ang likurang bahagi ng motorsiklo ni Puri.

 “Ang lapit na talaga tapos galing siya sa kabilang lane, papunta naman siya sa kabilang lane kaya’t kahit anong apak ko sa brake, inabutan ko pa rin ang likurang bahagi ng kanyang motor,” ani drayber ng bus.

Ayon sa imbestigador, nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima matapos itong tumilapon pagkatapos mabangga ang minamanehong motorsiklo. 

“Tumawid kasi siya, pagtawid niya nabangga siya ng bus. ‘Yong motor niya nakaladkad. Tumilapon ‘yong biktima kaya pumalo ‘yong kanyang ulo. May tumawag kasi sa kanyang pasahero kaya’t bigla siyang lumiko,” ani Cpl. Jose Robles.

Naiulat na dating karpintero ang biktima at pinapatigil na sa pagtatrabaho ng kaniyang mga anak para makapagpahinga na.

“Naghabal-habal siya dahil ayaw niya ‘yong walang ginagawa kaya’t sabi ko sa kanya na huwag siyang magdrive kung mainit na. Pauwi na talaga sana siya,” ani ng asawang si Corazon.

Kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide ang drayber ng bus pero handa naman umano makipag-areglo ang pamilya ng biktima. - Ulat ni Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.