Granada narekober sa tapat ng Chinese resto sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 03:06 PM

Isang granada ang narekober sa tapat ng isang Chinese restaurant sa Pasay City. Retrato mula sa Southern Police District

Narekober ng mga awtoridad ang isang hand grenade na inihagis umano ng hindi pa nakikilalang salarin sa tapat ng isang Chinese restaurant sa Pasay City noong Martes.

Rumesponde ang mga tauhan ng Pasay police matapos makatanggap ng ulat bandang alas-2 ng madaling araw na may MK2 hand grenade sa tapat ng Rong Hui Restaurant sa Barangay 32, ayon sa ulat ng Southern Police District.

Wala nang safety lever ang pampasabog nang matagpuan, ayon sa ulat.

Base sa paunang imbestigasyon, isang hindi pa nakikilalang salarin ang naghagis ng granada pero hindi ito sumabog.

Nagsagawa ang pulisya ng render safe procedure gamit ang isang water cannon disruptor.

Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang salarin.

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.