Kasama ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang estudyanteng si Angela Perez. Tumayong guardian ni Perez ang isang pulis-Makati na humili sa mismong mga magulang ng dalagita dahil sa pagkakadawit ng mga ito sa droga. Retrato mula sa NCRPO-PIO
MAYNILA — Patuloy ang pagbuhos ng tulong para sa 14 anyos na estudyanteng si Angela Perez, ang estudyanteng inaalagan ng mga pulis at nakitaan ng sakit sa thyroid.
Ito ay matapos alukin ng pamunuan ng Chinese General Hospital na sasagutin nito ang pagpapagamot at pag-aaral ni Perez hanggang kolehiyo.
"Ang health concern ni Angela ay mabibigyan ng atensiyon. At hindi lang 'yon, pati ang kaniyang pag-aaral," sabi noong Martes sa pahayag ni National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Ayon kay James Sy, direktor ng Chinese General Hospital, libre na ang pagpapagamot ni Perez at sasagutin din niya ang pag-aaral nito hanggang kolehiyo sakaling gustuhin ng dalagita na sumabak sa medical profession.
Sumailalim din noong Martes si Perez sa ultrasound at nakita ang mga bukol sa bahagi ng kaniyang lalamunan.
Kailangan pang sumailalim sa biopsy ng mga bukol para malaman kung cancerous ba ang mga ito o benign.
Nauna nang inulat ang kuwento ni Perez, na muntik nang hindi makapag-enroll ngayong school year matapos makulong ang kaniyang mga magulang dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Dahil pursigidong mag-aral, humingi ng tulong si Perez sa mga pulis na humuli sa kaniyang ina. Partikular na tumayong guardian ng dalagita ang pulis-Makati na si Police Cpl. Claro Fornis.
-- May ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Angela Perez, good news, thyroid, pulis, National Capital Region Police Office, Guillermo Eleazar, TV Patrol, Jerome Lantin