Barangay hall sa Batangas naatrasan ng trak; 2 tanod sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 01:03 PM

Sugatan ang dalawang barangay tanod nang maatrasan ng trak ang kanilang barangay hall sa Barangay Antipolo Del Norte sa Lipa, Batangas nitong Miyerkoles.

Base sa imbestigasyon ng Lipa City police nakiparada lang sa lugar ang trak na babiyaheng Cabuyao, Laguna para magpahinga ang drayber.

Pero makalipas ng ilang sandali ay tinanggal umano ng pahinante ang kalso ng gulong ng trak kaya ito umatras at sumalpok sa hall.

Natapunan ng kargang lupa ng trak ang dalawang tanod na naka-duty.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang truck driver.

Nangako naman ang may-ari ng trak na tutulungan nila ang mga nasugatang tanod at ipapaayos ang napinsalang barangay hall.

--Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.