3 patay, 5 sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 01:24 AM

Tatlo ang patay habang lima naman ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Pampanga.

Sa Barangay San Miguel (Betis) sa bayan ng Guagua, isang van ang bumangga sa bakod ng isang bahay bago tuluyang dumiretso sa katabing tindahan nitong Lunes.

Limang taong nakaupo sa may tindahan ang inararo ng van.

Agad itinakbo sa ospital ang mga biktimang sin Ofelia Gaddi, 83 anyos, Gregoria Gaza, 78 anyos at Rufina Roque, 81 anyos.

Namatay habang ginagamot sina Gaza at Roque habang nagtamo naman ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan si Gaddi.

Isang 10 taong gulang at pitong buwang sanggol rin ang sugatan sa insidente.

Ayon kay Police Lt. Col. Manny Calma, hepe ng Guagua police, maaaring nakainom ng alak ang drayber ng van na si Claver Yabut.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, damage to properties, at multiple physical injuries.

Samantala, sa Barangay Sepung Bulaon sa bayan ng Porac, isa ang patay at isa ang sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo Linggo.

Patay ang drayber ng motorsiklo na si Shialdan Pineda. Sugatan naman ang kaniyang angkas.

Sugatan rin ang angkas ng isa pang motorsiklo na minamaneho ni Darwin Melo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake umano si Pineda nang biglang lumabas ang paparating na motorsiklo na minamaneho ni Melo.

Kinasuhan na si Melo ng reckless imprudence resulting in homicide at damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.