2 hinihinalang illegal recruiter timbog sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2019 03:05 PM

Naaresto noong tanghali ng Martes ang 2 suspek na umano ay tumangay ng nasa P2 milyon mula sa mga biktimang pinangakuan ng trabaho sa South Korea.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), inalok ng mga suspek — isang 57 anyos na babae at isang 54 anyos na lalaki — ang 10 biktima ng trabaho sa South Korea at hiningan ang mga ito ng placement fee.

Sinabihan umano ang mga biktima na ipasok ang pera sa isang bagong bukas na account sa sangay ng RCBC sa E. Rodriguez, Quezon City.

Kinuha rin ng babaeng suspek ang mga passbook ng mga biktima habang pinoproseso ang kanilang mga dokumento, ayon sa ulat.

Makaraan ang halos 6 buwan, nabigo ang mga suspek na mabigyan ng trabaho ang mga biktima.

Nang kitain ng mga suspek ang mga biktima sa nasabing sangay ng RCBC, humingi pa raw sila ng P5,000 sa mga biktima kapalit ng pagbalik ng mga passbook ng mga ito.

Natuklasan ng mga biktima na nilimas umano ng mga suspek ang laman ng kanilang mga bank account at tig-P5,000 na lang ang natira sa bawat account.

Nagkagulo sa loob ng bangko, dahilan para rumesponde ang mga pulis at maaresto ang mga suspek.

Kasong syndicated estafa ang haharapin ng mga suspek.

--Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.