PNP, AFP, magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa 'misencounter' sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2018 10:05 PM | Updated as of Jun 26 2018 11:03 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

SANTA RITA, Samar - Magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army nitong Lunes.

Anim na kasapi ng police Regional Mobile Force ang nasawi habang siyam naman ang sugatan sa engkwentro sa Barangay San Roque sa bayan ng Santa Rita.

Isa sa mga nasawi si PO1 Wyndell Noromor. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang kanyang pamilya sa nangyari.

Hindi rin akalain ng ama ni Wyndell na tropa rin ng pamahalaan ang makakapatay sa kanya.

Masakit umano sa pamilya ang nangyari dahil tatlong taon pa lamang sa serbisyo ang anak.

"Ma-imbestigahan ang totoong pangyayari, kung ano ang nangyari at patas na imbestigasyon sa pangyayari," ani Peter.

Naka-half mast na ang bandila sa harap ng Police Regional Office 8 bilang pagdadalamhati ng pulisya sa nangyari.

Ayon kay Police Chief. Supt. Mariel Magaway, isang special investigation task group ang binuo para imbestigahan ang pangyayari.

Aalamin sa imbestigasyon kung saan nagkulang sa koordinasyon para maiwasang maulit ang insidente.

"Pag-uusapan naming mabuti ng AFP counterpart ito para patibayin natin ang mekanismo na magpapalakas sa ating coordination para 'di maulit," ani Magaway.

Napag-alaman na mayroong koordinasyon sa militar ang pagpasok ng mga pulis sa nasabing lugar, pero bago pa man sila makapasok ay nauna nang nagsagawa ng operasyon ang militar para tugisin ang mga rebelde.

Siniguro naman ni Major General Raul Farnacio ng 8th Infantry Division na walang cover-up na mangyayari at handa silang makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon.

"Magiging transparent kami dito. Rest assured, walang cover-up," aniya.

Siniguro rin ng PNP at AFP na mabibigyan ng tulong ang mga pamilya ng mga namatay at nasugatang pulis.

Nakatakdang bumisita si PNP chief Oscar Albayalde sa mga namatay at nasugatan sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.