Otis Bridge sa Paco isinara sa mga motorista

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2018 11:22 AM | Updated as of Jun 26 2018 04:14 PM

 

MAYNILA - Pansamantala munang isinara sa mga motorista ang magkabilang lane ng Otis Bridge matapos bumiyak ang gitnang bahagi nito, Martes ng madaling-araw.

Nagkabitak ang tulay dahil sa pagbigay ng suportang bakal nito, ayon kay District Engineer Mike Macud ng Department of Public Works and Highways sa siyudad.

Giit ni Macud, matagal nang may pera para sa rehabilitasyon sa lugar pero hindi nila maumpisahan ang proyekto dahil kailangan pang makipag-ugnayan sa Meralco para sa mga kawad ng kuryente.

Target nilang maisaayos sa loob ng 180 araw ang tulay, na karaniwang dinaraanan ng mga motorista mula sa Quirino Avenue patawid sa UN at Taft avenues.

Maglalabas ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority sa Miyerkoles kung maaari nang madaanan ng maliliit na sasakyan ang tulay, sabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng ahensya.

Sa ngayon, kung pupuntang South Super Highway galing Nagtahan, maaaring kumanan sa Zamora Street, at kumaliwa sa Quirino Highway.

Kung mula naman South Super Highway, maaaring kumaliwa sa Plaza Dilao papuntang Quirino Highway, at kumanan sa Romualdez St. papuntang Ayala Boulevard.

Bagaman sarado ang tulay sa ngayon, maaari naman dumaan ang mga pedestrian sa sidewalk sa gilid ng tulay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.