Matapos ang 4-buwan na 'shortage': Tig-P27/kilo NFA rice, balik-merkado

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2018 12:30 PM

Mabibili na simula ngayong Martes sa maraming palengke ang National Food Authority (NFA) rice na matagal nawala sa merkado dahil sa umano'y "shortage."

Pagmamalaki pa ng NFA, mas maganda na ang kalidad ng bigas nila ngayon na inangkat pa mula Vietnam at Thailand.

"Nakita niyo naman, maganda na. Competitive na ang quality nito," ani NFA administrator Jason Aquino sa kaniyang pag-iikot sa ilang palengke sa Quezon City.

Isa sa mga nagpatunay dito ang mamimiling si Evelyn Dacusin, na labis ang tuwa sa pagbabalik ng NFA rice sa palengke dahil apat na buwan din itong hindi nabibili.

"Dati kasi mabaho, tapos pangit ang butil...Tapos mas mura. 'Yung matitipid, puwede na pambili ng ulam," paliwanag ni Dacusin

Nasa mahigit 56,000 sako na ng NFA rice ang naipamahagi sa iba't ibang pamilihan sa Metro Manila.

"Nasa 50 percent na ng mga pamilihan ang meron. Inaasahan na magkakaroon din ang ibang palengke," paniguro ni Aquino.

Titiyakin din umano ng ahensiya na hindi na mauulit pa ang pagkaubos ng buffer stock ng NFA rice ngayong nakita na nila ang epekto nito sa publiko.

Kaya para maiwasan ang pananamantala ng ilang mamimili, itinakda ng NFA na limang kilo kada konsumer muna ang limit ng pagbili hanggang maging stable ang supply nito.

Sa ngayon, ang tig-P27 na NFA rice pa lang ang ibinebenta sa mga palengke pero magkakaroon ng tig-P32 na klase sa mga susunod na linggo.

P12 sa kada kilo ng NFA ang matitipid ng mga konsumer kumpara sa commercial rice kaya malaking tulong anila ito ayon sa mga nakausap ng ABS-CBN News.

"Maginhawa ito. Malaking tulong lalo sa aming mahihirap," ani Emily Siaron, isang mamimili.

Ikinatuwa rin ng mga retailer ang pagbabalik ng NFA rice dahil ito umano ang pinakamabiling uri ng bigas nila.


--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.