Magkamag-anak, huli sa buy-bust sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2018 10:47 AM

Nahuli sa magkakamag-anak na suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Sta. Ana sa bayan ng Porac sa Pampanga. Larawan mula sa Porac Municipal Police Station.

Supplier nila ng droga, tiklo rin

PORAC, Pampanga - Magkakasama ngayon sa kulungan ang magkakapamilya na nahuli sa isinagawang anti-illegal drug operations ng Porac Municipal Police Station sa Barangay Sta. Cruz.

Kinilala ang mga nahuli na sina Freddie, 40-anyos, kapatid niyang si Rolando, 37, at anak na si Jayson, 19.

Nakuha mula sa kanila ang 6 na sachet ng hinihinalang shabu at P500 na marked money.

Ang tatlong suspek ay pawang nagtatrabaho bilang parking boys sa isang food and recreational park sa Angeles City.

Sa follow-up operations ng awtoridad naman nahuli ang itinuturong supplier ng droga ng mga suspek.

Kinilala siya bilang si Solaiman Sultan, alyas Solai, at nasamsam mula sa kaniya ang 13 sachet ng hinihinalang shabu at P500 na marked money.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang apat na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.