Aso sa Cebu, kritikal sa ospital dahil sa pambubugbog umano ng kapitbahay

Annie Fe Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2018 04:38 PM

TALISAY CITY, Cebu - Duguan at nasa kritikal na kondisyon ang isang 6-taon gulang na pitbull nang dalhin ito sa isang veterinary clinic matapos umano itong bugbugin ng isang residente sa Barangay San Roque, Martes.

Ayon kay Jamaica Jucaban, ang amo ng aso na si "Hotchitzu," pinakawalan nila mula sa kulungan ang aso Lunes ng gabi dahil natatakot ito sa tuloy-tuloy na pagkulog at pagkidlat.

'Di umano napansin ng pamilya ni Jucaban na nakalabas na ng gate ang kanilang alaga kaya laking gulat na lamang nila nang matagpuan itong duguan at puno ng sugat sa lote ng kanilang kapitbahay.

Giit ni Jucaban, umamin umano ang kanilang kapitbahay na si "Archie" na binugbog niya ang aso.

Ang aso ay na-comatose matapos nitong magtamo ng mga malalalim na sugat, paliwanag ni Dr. Mary Thessa Alo, beterinaryo ng Talisay Veterinarian’s Office.

Posible ring naparalisa na ang kalahati ng katawan ng aso dahil sa insidente, dagdag ni Alo.

Desididong magsampa ng kasong animal abuse ang pamilya ni Jucaban laban sa kanilang kapitbahay na umano'y nambugbog sa kanilang alaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.