PatrolPH

40 tricycle na pumasada sa Katipunan Avenue, hinuli

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2018 12:59 PM

MANILA - Halos 40 tricycle na pumasada sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City ang hinuli ng mga awtoridad, Martes.

Ayon sa mga driver sa Katipunan, ikinagulat nila ang panghuhuli dahil ang alam nila ay nagkasundo na ang lokal na pamahalaan ng Quezon City at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na exempted umano sila sa pagbabawal sa mga tricycle sa mga national road at sa mga highway.

"Talagang perwisyo kasi ang dami ho talaga pamilya ang apektado sa ganitong klaseng operasyon. Lalo sa akin may college ako kaya ambigat ho talaga ngayon," ani Joey Domingo, isa sa mga tricycle driver na pumapasada sa Katipunan Avenue.

"Hindi ako nakabiyahe laking kawalan ho sa akin kahit pananghalian baka wala akong maisaing," dagdag niya.

"Nakikiusap naman sana ho ako na kung puwede ho ay mabigyan ako ng pagkakataon na makasakay pati 'yung mga disabled, 'yung ibang matatanda," giit ni Mercelita Itocas, isa sa mga pasaherong kinailangan maglakad dahil sa kawalan ng tricycle sa Katipunan Avenue.

Ngunit ayon sa MMDA, wala rin silang natanggap na sulat mula sa lokal na pamahalaan na nagsasabi na pansamantala munang papayagan ang mga tricycle na pumasada sa Katipunan Avenue.

"Napag-usapan kahapon together with the vice mayor of Quezon City na gagawa sila ng sulat to MMDA requesting the exemption of tricycle ban sa Katipunan. 'Yun po ang hinihintay namin," sabi ni Bong Nebrija, MMDA Special Operations Group Head.

Ipinatupad ang tricycle ban sa malalaking kalsada upang maiwasan umano ang mga aksidente at maprotektahan ang mga mananakay na karaniwan ay mga maliliit na estudyanteng patungo sa mga paaralan.

"This is beyond traffic regulation already. This is about the issue of safety ng mga pasahero na binabaybay sa Katipunan na napakabilis ng mga sasakyan tapos nakikipagpatintero sa mga trak, sa mga SUV [ang mga ticycle] na nalalagay sa peligro mga pasahero nila," ani Nebrija.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.