Batalyon ng pulis-Calabarzon, ipinadala sa Marawi

Noel Alamar, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2017 12:18 PM

MANILA - Tumulak papuntang Marawi City Lunes ang mga miyembro ng Regional Public Safety Batallion ng Calabarzon police para matulungan ang pwersa ng pamahalaan na lumalaban sa Maute terror group.

Ayon kay Calabarzon police director Chief Supt. Mao Aplasca, katumbas ng ipinadalang police contingent ang halos isang batalyon.
na nakabase sa Camp Macario Sakay sa Los Baños, Laguna.

Pamumunuan aniya ni Chief Insp. Crispin Mangupag at 9 na iba pang opisyal ang grupo.

Dagdag ni Aplasca, maituturing na tactical unit ang RPSB kaya sanay ang mga tauhan nito sa urban warfare at internal security operations tulad ng nangyayari sa Marawi.

Gayunman, nilinaw ni Aplasca na hindi makikipagbakbakan sa mga terorista ang mga pulis ng Region IV-A.

Bagkus, gagampanan ng mga ito ang mga law enforcement function tulad ng pagmando ng check points, pagtiyak ng seguridad at pagsasagawa ng search and rescue operations.

Minsan na ring naipadala ang RPSB sa Lanao del Sur at Maguindanao bilang peacekeeping force nitong May elections.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.