PatrolPH

Sperm whale, sumadsad sa Masbate

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2022 10:36 PM

Kuha ng BFAR-Bicol
Kuha ng BFAR-Bicol

Isang sperm whale ang sumadsad sa mababaw na bahagi ng dagat sa Dimasalang, Masbate nitong Sabado.

Ayon kay BFAR-Bicol spokesperson Nonie Enolva, unang nakita ang balyena dakong alas-10 ng umaga sa Barangay Banahao at agad naitaboy ng mga residente sa mas malalim na bahagi ng dagat.

Nag-low tide naman dakong alas-2 ng hapon, kaya muli itong sumadsad sa bahagi ng dagat na nasa 6-7 feet na lamang ang lalim.

Tinatayang nasa 6-7 tonelada ang bigat at 12-15 feet ang haba ng balyena.

Nananatili itong malakas pero nasa lugar na ang mga taga-BFAR, LGU at mga taga-barangay para i-monitor ang kalagayan nito. 

Nagpasaklolo rin sila sa PNP para matiyak na walang mga taong makakalapit sa balyena.

Dakong alas-10 ng gabi ang high tide sa Masbate na inaasahan ng mga awtoridad na makatutulong para mabilis na makabalik sa laot ang balyena. - Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.