Gustong i-automate ni incoming Migrant Workers Secretary Susan Ople ang pagkuha ng overseas employment certificate (OEC) sa gitna ng mga reklamong pumipila nang matagal ang mga nais kumuha nito.
Mandatory ang OEC para makabalik ang isang OFW sa bansang pinagtatrabahuan.
"Di mo naman siguro dapat sobrang ikapila pa o lalo na ngayon [sa] Middle East painit na nang painit, di ba?" sabi ni Ople sa panayam sa TeleRadyo ngayong Sabado.
Umani ng reklamo ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai nitong Mayo mula sa OFWs na nahirapan sa pagproseso ng kanilang contract verification, OEC, at OWWA membership renewal.
Pagdating ng Hunyo ay tinugunan naman ito ng POLO Dubai.
Para kay Ople, hindi dapat maubos ang bakasyon ng isang OFW para lang sa pag-aasikaso ng OEC.
Pinag-aaralan na aniya nila ang automation at nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
"Nakipag-usap na ako sa DICT kay [incoming] Secretary Ivan Uy at sabi naman niya doable 'yan na i-automate na lang lahat ng submission para 'di na kailangang physical pa pipila o pupunta sa kung saan man," ani Ople.
"Kasi kung nasa records ka na ng POEA dapat ... May validation process na lang 'yan," dagdag niya.
—TeleRadyo, Hunyo 25, 2022
Panoorin ang buong panayam dito:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Susan Ople, Department of Migrant Workers, DMW, Overseas Employment Certificate, OEC, OFW, Saudi Arabia, Tagalog news, TeleRadyo