PatrolPH

Mga Pilipino kani-kanilang paraan sa paggunita kay PNoy

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2021 07:53 PM


MAYNILA — Sa iba't-ibang paraan inalala ng mga Pilipino si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Tahimik na sa paligid ng bahay ni Aquino sa Times Street nitong Biyernes, isang araw matapos siyang pumanaw. Pero may ilan pa ring mga nag-alay ng bulaklak dito imbes na sa Ateneo de Manila University kung saan siya nakahimlay.

Naghigpit na rin ng seguridad sa Times Street at naglabas na lamang ng mesa sa kalsada kung saan maaaring mag-alay ng mga bulaklak.

Sa Kamuning lang nakatira si Lorenzo Vailoces at pinili niyang maglakad para magbigay ng pagpupugay sa namayapang pangulo.

Bitbit niya ang kulay dilaw na bulaklak at nagsabit ng yellow ribbon sa gate.

"Nagulat ako... Mas kailangang-kailangan siya ng bayan bigla siyang nawala... Maski batikusin siya hindi nagrereklamo," aniya.

Nagsabit din sa kanilang gate ng yellow ribbon mula sa pangangampanya noon ni Aquino si Bayan Patroller Gia Ibarra.

Sa Janiuay, Iloilo, dahil hindi makapunta sa Maynila, minabuti ni Bayan Patroller Teresita Provido na maglagay ng din yellow ribbons sa palibot ng gate sa kanyang bahay.

Ang iba naman, idinaan sa pagguhit ng iba’t-ibang klaseng artworks upang bigyang pugay si Aquino.

Gamit ang lapis, graphite drawing pencil, eraser, at oslo paper nagawa ni Ericson Villasoto ang portrait sketch sa loob nang halos 30 minuto.

"Malaki ang respect ko sa mga nanunungkulan sa gobyerno... Kahit sino pa man, naniniwala ako sa mission ng bawat government official," ani Villasoto, na guro rin sa public school sa Parañaque.

—Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.