PatrolPH

Ilang Tarlaceño nagbalik-tanaw sa mga alaala sa kababayang si Noynoy

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2021 07:20 PM | Updated as of Jun 25 2021 09:38 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagbalik-tanaw ang mga Tarlaceño sa kanilang mga personal na alaala sa kababayan nilang si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na pumanaw noong Huwebes ng umaga.

Idinaan na lang muna sa pagtanaw sa nakaraan ang kanilang pagpupugay kay "PNoy."

Pinuri ng mga guro ang kababaang-loob ni Aquino tuwing umuuwi siya para bumoto.

Sa Central de Azucarera de Tarlac Elementary School bumoboto si Aquino at kanyang mga kapatid.

Palabati ang dating pangulo, ayon kay Maria Cristina Manlulu, na dalawang halalan naging poll worker sa presinto ni Aquino. 

"Hindi po sila pa-VIP. Napaka-approachable at laging naka-smile... Nakikipagkuwentuhan po siya at pictures.. Nalungkot po kami sa nangyari kahapon kasi maganda po ang memories namin sa kanila," ani Manlulu. 

Sabi naman ng chairman ng barangay doon, halata sa asal ni Aquino na hindi iba ang turing niya sa mga residente.

"Pag siya bumoboto, nakapila siya. Hindi o-overtake kahit marami siyang gawain, talagang hindi siya pupunta sa una... Makikitang 'yung puso niya, isip niya, ka-level ng mga tao dito," ani Angelito Torres, chairman ng Barangay Central.

Palabiro naman ang Noynoy na kilala ni Tina Manianglung na higit 60 taon nang katiwala ng pamilya Cojuangco sa Tarlac. 

Kuwento niya, kahit sa mga staff, pinatotoo ni Aquino ang tagline niyang "kayo ang boss ko."

"Kung may kailangan ka, hindi puwedeng hindi ka niya pagbibigyan... Pagkatapos niyang kumain, lalabas na siya, makikipagkuwentuhan na... Mami-miss ko po sa kanya, kapag nakita na niya ako, niloloko, binibiro, ganu'n," aniya. 

Siyam na taon din nagsilbi si Aquino bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Tarlac. 

Bago pa man siya maging pangulo, nakita na ng mga kasamahan niya sa Tarlac ang kanyang dedikasyon sa public service.

"Joker 'yan. Noong panahon na kongresista siya, nakakasama namin siya kumakain sa labas, jamming-jamming. Masyadong mataas ang humor," ani Arvin Cabalu, public information officer ng Tarlac provincial government. 

Nagdaos ng misa ang Tarlac provincial government na dinaluhan ng ilang opisyal sa lalawigan.

—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.