PatrolPH

Higit 150 motorista sa Davao City, hinuli dahil sa pagharang sa bike lanes

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2021 05:09 AM

DAVAO CITY—Umabot sa 156 na motorista ang nahuli sa lungsod na ito simula noong Mayo dahil sa pagharang at pagparada sa mga bike lane.

Ayon sa hepe ng Davao city transport and traffic management office (CTTMO), nahaharap sa illegal parking violations ang mga nahuling motorista at pinagmulta ng P500.

Kung sakaling maaprubahan na sa 19th city council ang mga inamyendahang probisyon ng bicycle ordinance ng lungsod, tataas ang multa ng mga lalabag na motorista dahil magiging P1,000 ito.

Sa kasalukuyan, ang CTTMO ay may 10-man enforcement team na nagmo-monitor ng tamang paggamit ng bike lanes sa lungsod.

Noong nakaraang taon, minarkahan ng CTTMO ng mga bike lanes ang maraming kalsada sa lungsod. 

Pinag-iingat naman ang mga siklista sa pagbisikleta sa mga kalsada sa pamamagitan ng pagsuot ng protective gear at hindi paglagpas sa designated bike lanes. — Ulat ni Hernel Tocmo


FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.