'Wag gutumin; palabasin': Mambabatas umapela para sa mga jeepney driver

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 02:36 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Isusulong ng isang mambabatas ang pagbuwag sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa hindi pag-alintana umano ng ahensiya sa kapakanan ng mga tsuper na nagugutom sa panahon ng pandemya. 
 
“Lagi nilang pinangangakuan ang mga tsuper, lalo na yung mga sa jeep. Kung ‘di n’yo kayang papasadahin ‘yan, mag-resign na kayong lahat dyan,” sabi ni Senior Citizens partylist Rep. Francisco Datol Jr. ngayong Huwebes.

Sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo, ipinaliwanag ni Datol na napipilitan nang mamalimos ng mga tsuper na tanging inaasahan ng kani-kanilang pamilya dahil sa pagbawal sa kanila na makabiyahe sa panahon ng pandemya.
 
Marami rin aniyang mga senior citizen ang nagtatrabaho bilang tsuper ng jeepney.

Ayon kay LTFRB Chair Martin Delgra, unang papayagang makabiyahe simula sa susunod na linggo ang mga UV Express. Kasunod nito ay ang mga tradisyunal na pampasaherong jeep. 

“Bakit ganun ang inyong pagtingin sa mga kawawa nating mga tsuper? Bakit hindi pagsabay-sabayin,” sabi ni Datol. 

Sa sama aniya ng kaniyang loob ay gumawa ng resolusyon si Datol para buwagin ang LTFRB. 

“Isalin na lang sa Kongreso. Ang Kongreso na magbibigay n'yan (prangkisa) kasi nga po, puro pangako,” paliwanag niya. 

Iikot rin aniya sila sa Martes para malaman kung talagang palalabasin nga ng LTFRB ang mga jeep. 

“Pero itong ginagawa ko, hindi na ako makapipigil dito. Puro pangako lang yan,” dagdag niya. 

Aniya, kakausapin nila ang mga namumuno sa Kongreso sa kung ano ang nararapat. 

“Wag nating gutumin… Palabasin natin ‘yan. Hindi kailangan ng SAP ng mga tsuper. Makapaghanapbuhay lang,” sabi niya. 

Giit n'ya na hindi rin umano kinokonsulta ni Delgra ang Kongreso. 

“Kami na po, ang buong Kongreso, ang nakikiusap sa kanila. Awang-awa na kami. Ala namang pasok yung mga estudyante. Bakit ‘di nila payagan yung kalahati ng transportasyon na patakbuhin para mawala ang kamatayan sa gutom ng ating mga tsuper,” sabi ni Datol.