Testing capacity ng bansa, lagpas na umano sa 50,000

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 10:38 PM

MAYNILA - Lumapas na umano sa 50,000 ang testing capacity ng bansa para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang ipinahayag ni COVID-19 national policy deputy chief implementer Vince Dizon. Aniya, pumalo na sa higit 50,000 ang testing capacity ng bansa para sa COVID-19.

Pati ang mga laboratory ng bansa, nasa 66 na aniya as of June 24, 2020 mula sa iisa lang noong Pebrero. 

Dagdag pa niya, 24 dito ay private laboratories, 41 ay hawak ng gobyerno at isa naman ay sa ilalim ng public-private partnership. 

"Ang magandang balita po ay iyon pong ating goal na 50,000 testing capacity, iyong abilidad natin na mag-test na June 30 ay as of June 19 ay nalampasan na po natin. So nilampasan na po natin ang ating testing capacity goal na end of June na 50,000, as of June 19 po ay lampas na tayo ng 50,000," ani Dizon.

Target din aniya ng gobyerno na itaas sa 1 milyon ang bilang ng mga nagagawang test sa buong bansa na ngayon ay nasa 600,000 palang. 

Posible aniya ito dahil dumating na ang nasa 1.05 million na testing kits na binili ng Department of Budget and Management. 

Dahil sa bilang ng test kits na mayroon na tayo, target ng gobyerno na paliwigin pa ang targetd testing para isama na ang non-medical frontliners gaya ng mga opisyal ng mga barangay na itinuturing na hotspots ngayon, at maging yung mga walang sintomas. 

Balak rin nilang isama sa expanded targeted testing ang mga miyembro ng media. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.