Pulis patay sa pananambang sa Bacoor City

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 12:53 AM | Updated as of Jun 25 2020 04:13 PM

MAYNILA (UPDATE) -- Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Bacoor City, Cavite noong gabi ng Miyerkoles.

Sakay ng SUV ang biktimang si Police Senior Master Sergeant Walter Mercado nang tambangan sa may Barangay Bayanan pasado alas-9 ng gabi, ayon sa pulisya.

Pauwi na sana si Mercado, na katatapos lang ng duty sa presinto bilang desk officer, nang mangyari ang krimen, ayon kay Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Halos 2 dekada nang pulis si Mercado, na matagal nadestino sa intelligence section ng pulisya sa Binangonan, Rizal bago nailipat sa Batangas police kamakailan.

Ayon kay Cabatingan, sisilipin nila kung may kinalaman sa pagiging intelligence operative ni Mercado ang pananambang.

Noong Mayo, na-quarantine pa ang biktima matapos magpositibo sa rapid test. Isang buwan pa lang siyang nakabalik sa trabaho.

Patuloy ring inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

-- Ulat nina Dennis Datu at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.