Pari patay sa aksidente sa Zamboanga City

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 02:34 PM

Matapos sumalpok sa likod ng truck ng softdrinks ay nahulog sa kanal at tumama sa pader ang pick-up na minamaneho ng isang pari sa Zamboanga City. Larawan mula sa Zamboanga City Police Station Four


ZAMBOANGA CITY - Patay ang isang pari matapos bumangga sa isang truck at mahulog sa gilid ng daan dito sa siyudad, Miyerkoles ng gabi.

Wasak ang harapang bahagi ng pick-up na sinasakyan ni Fr. Fred Alavado matapos itong bumangga sa likurang bahagi ng isang 10-wheeler truck sa highway ng Barangay Culianan.

Matapos na bumangga sa truck, nahulog pa ang sasakyan sa gilid ng daan at tumama sa sementong pader. 

Ilang minuto rin ang inabot bago nakuha si Alavado sa loob ng sasakyan sa tulong ng rescue team ng City Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection. 

Ayon kay Staff Sgt. Arnel Arcillas, naisugod pa sa ospital ang pari ngunit namatay din habang ginagamot. 

Parish priest sa Barangay Manicahan sa Zamboanga si Alavado. 

Papunta sa Sindangan sa Zamboanga Del Norte ang truck na may kargang softdrinks nang salpukin sa likod ng pick-up. 

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa aksidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.